Tala nina Lola:
Ang Panggagahasa ng mga Hapon sa Kababaihan at Bayan noong Digmaan
Umaalingawngaw pa rin ang pagputok ng baril at pagsabog ng bomba sa mga salaysay sa ng mga ngayo’y tinagurian nang lola, sa pagsakop ng mga Hapon sa ating bansa noong 1940s. Bagamat mahigit anim na dekada na ang nakakaraan, nakabibingi pa rin ang ugong ng napigtas na kuwerdas ng pagkawasak ng kanilang kamusmusan sa panahon ng digmaan.
Matagal nang natapos ang digmaan, nakamit na natin ang kasarinlan at ilang beses na rin tayong nakapagluklok ng sariling pangulo, ngunit dala-dala pa rin ng mga lolang naging comfort women ang pait na dinanas nila sa kamay ng mga sundalong Hapon. Patuloy pa rin silang nakapiit sa malupit na mga alaala kasabay ng hustisyang hindi pa nila nakakamit.
Mga Alaala’t Salaysay
Nasa Masbate si Felicidad Barberan delos Reyes nang dumating ang mga Hapon sa Pilipinas. Nasa elementarya pa lamang siya noon. Sinabi niyang animo'y mababait naman ang mga Hapon noong una. Sa pagkakatanda niya, nagkaroon pa nga ng programa para salubungin ang mga Hapon sa kanilang lugar. Ipinatawag siya, kasama ang iba pang mga bata sa kanilang lugar, upang magtanghal sa programang iyon. Tandang-tanda pa niya, Biyernes noon, ganap na ika-lima ng hapon naganap ang pagtatanghal. Wari nila'y ang programang iyon ang isang pagtatak ng maayos na pakikitungo ng mga Hapon sa kanilang komunidad.
Ngunit makalipas ang ilang araw, isa pala si Lola Fely sa mga magiging biktima ng kalupitan ng mga dayuhang iyon. Sinundo siya ng kanyang guro sa kanilang bahay. Ipinatatawag daw siya sa garrison. Hindi niya alam ang dahilan ngunit sumama siya. Pagdating doon, agad siyang isinilid sa isang kubo kung saan nagbibihis ang mga sundalong Hapon.
Ipiniit siya ng apat na araw. Wala siyang ginawa kundi umupo sa sahig at magmukmok. Isang gabi, ginahasa na siya ng isang sundalo. Naulit ito ng ilang araw. Ganoon na ang kaayusan sa kwartong iyon magmula noon, magmumukmok, darating ang mga sundalo, pupuwersahin, pagkatapos, hihikbi sa isang sulok. Binibigyan siya ng pagkain ngunit ni hindi man lang niya ito tinikman o ginalaw man lang dahil sa kanyang sinapit. Nagkasakit siya dahil dito. Lagi niyang kinakalampag ang pinto at nagmamaka-awang payagan na siyang umuwi. Sumagi pa sa isip niyang magpakamatay na lamang dahil sa mga nangyari sa kanya.

Hanggang sa isang araw, may narinig siyang umiiyak sa kabilang kawarto. Doon na na niya naisip na hindi siya nag-iisa. Mayroon pang ibang mga batang babae na ganoon din ang sinipit. Bagamat hinang-hina na siya, nanumbalik ang kanyang tapang dahil sa lakas ng loob na ipinapakita ng kanyang mga kasama. Kinausap siya ng isang batang babae at sinabihang huwag siyang mag-iingay dahil baka patayin sila ng mga sundalo. Sumagot siyang mas mabuti pa ngang patayin na lamang siya kaysa patuloy pang daanasin ang hirap ng pagkakakulong at panggagahasa sa kanya.
Natapos lamang ang kanyang paghihirap nang bigla na lamang silang pinauwi isang araw. Ginamot ng kanyang ina ang mga sugat at pinalakas din ang kanyang loob. Doon din niya nalaman na pinuntahan siya ng kanyang ama sa garison ngunit pinagbantaan ng mga sundalo ang kaniyang buhay. Tinulungan siya ng kanyang inang tanggapin ang pangyayari at lumaban.
Naging comfort woman din si Lola Narcisa. Ngunit bukod sa panggagahasa sa kanya ng mga Hapon, lalo pa siyang nasaktan sa dinanas ng kanyang buong pamilya sa kamay ng mga sundalo. Nakikita niya ang kanyang ate sa loob ng kampo. Minsan, may pasa at minsan naman, may paso ng sigarilyo sa kanyang katawan. Nakakamusta lang niya ang kanyang ate sa mga nakaw na pag-uusap.
Ang kuya naman niya ay ginawang tagabuhat ng mga sundalo kapag kailangan nilang lumipat ng kampo. Tadyak, palo, at suntok ang inaabot nila tuwing magkakamali o kapag sumasayad lang sa lupa ang bota ng mga sundalong binibitbit nila.
Laking pasasalamat na lamang ni Lola Narcisa sa mga gerilyang Pilipinong lumaban sa mga mananakop na Hapon. Aniya, sila ang tunay na nakapag-palayas ng mga mananakop sa ating bansa. Tumatagos pa sa kanyang gunita ang mga nababalitaan niya noong sunod-sunod na pag-atake ng mga gerilyang Pilipino sa mga Hapon. Ikinagalak rin niya ang balitang mananalo na ang mga gerilya hanggang sa dumating ang mga Amerikano upang pasukuin ang mga Hapon.
Mga bangungot pagkatapos ng digmaan
Makalipas ang ilang taon matapos ang digmaan, naging mabigat pa rink ay Lola Narcisa ang mga pangyayari. Iniisip niyang nawalan na siya ng dangal. Hanggang sa dumating ang araw na makilala niya ang kanyang naging asawa. Naging maluwag ang pagtanggap niya kay Lola Narcisa bagamat naging comfort woman siya dahil naiintindihan niya ang nangyari noong digmaan. Naging biktima rin siya noon, at tulad ni Lola Narcisa, naging comfort women din ang mga kapatid niyang babae. Sinuportahan niya si Lola Narcisa at binigyan niya ng lakas ng loob.
Nagkaroon sila ng mga anak, ngunit hindi na nila ikinuwento sa mga ito ang hirap na naranasan nila noong panahon ng digmaan. Bagkus, sinikap na lamang nilang pag-aralin at ibigay ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak.
Ngunit isang araw, narinig ni Lola Narcisa ang mga panawagan ng mga paghingi ng mga salaysay mula sa mga naging comfort women. Dahil sa bumabalik pa rin ang mga bangungot ng mga malulupit na araw na iyon, napagpasyahan ni Lola Narcisa na lumantad bagamat naisip niyang maaari siyang ikahiya ng kaniyang mga anak. Ngunit pagdating ng araw ng kanyang pagsasalaysay sa harap ng maraming tao, dumating ang kanyang mga anak. Narubdob siya sa pang-unawang ibinigay nila. Naging esensyal ang suportang ibinigay nila sa kanyang paglantad para sa pahahanap at paglaban para sa katarungan.
Paghahanap ng Hustisya
Samantala, marami nang tulad nina Lola Narcisa at Lola Felicidad na ang nagbigay ng kanilang mga testimonya patungkol sa kanilang karanasan. Mahigit isang dekada na rin ang kanilang paghahanap ng katarungan.
Nakadalo na si Lola Felicidad sa mga pagdinig sa Japan. Nakasama na rin siya sa mga bansa tulad ng Switzerland upang ikuwento ang kanyang mga karanasan. Bagamat sinabi niyang, minsan na sila nabigyan ng kompensasyon ng gobyerno, hindi pa rin lubos ang hustisyang kanilang nakamit. Ayon kay Lola Narcisa, kailangan pa ring managot ang mga Hapon sa kanilang malupit na pagtrato sa mga kababaihan at mamamayang Pilipino. Sinabi niyang, sa digmaang iyon, ang mga walang kasalanan ang sinaktan.
Tanging sa mga libro na lamang mababasa ng karamihan sa ating henerasyon ngayon ang kasaysayan ng karahasan ng mga Hapon sa ating bansa. Sa ngayon, may mga lola pang buhay na testimonya sa mga ito at naghihintay na matikman ang tamis ng inaasam na katarungan. Dahil ang panggagahasa sa ating kababaihan, ay panggagahasa sa ating bayan.