Monday, March 10, 2008

Aw! =)




... ang bago kong expression. Maraming ibig sabihin, depende sa sitwasyon, depende sa haba o tulin ng pagkakabigkas, depende kung paano ipinahayag ng mukha ko. Aw! (for lack of a better word).


Aw! kapag nasasaktan. Parang ouch na pinutol sa unang pantig. Kasi hindi naman talaga masakit. Kunwari lang. Maarte lang, kasi ma -arte ako. Karaniwan.

Pero ito, masakit: kahapon, tumawag ang mama, ang papa, si ian (na binata na, lumilipas na ang pag-pipiyok ng boses) at si gay (na ma-haaal na mahal kong sis). Sabi nila, apektado na sila ng recession sa US. Sabi ko, kami din po dito sa Pinas. Ang mahal ng mangga (nakalimutan na nga ni Gay kung ano yung carabao mango kasi matagal ko nang hindi nababanggit. Bihira din daw sila makakita nun sa US. Ibang variety lang daw ang meron.) Aw!


Aw!
kapag nabibigla. Kasi hindi ko mapigilan ang pagkabigla ko. Depende sa sitwasyon. Kasi tuloy-tuloy lang ang dila ko pag nagugulat. Kailangan kong masabi agad ang reaksyon ko nang hindi nai-edit o pinag-iisipan man lang. Minsan, nakakasakit ng tao. Minsan, nakakatawa lang. Minsan, nagmumukha akong tanga.

Kanina, narinig ko sa balita, may mga bagong "kasalanan" na raw ayon sa Vatican. Kabilang dito ang pagdodroga at pagkakalat (sa paligid). Environmentalist na rin pala ang Vatican pero minsan, hindi herbal. Aw!


Aw!
para lang makapag-hinga kunwari ng reaksyon kung wala naman talagang masabi. Para kunwari, may opinyon. O, kung ayaw ko nang pag-usapan. O, pambawi, para hindi corny. O, kapag may natamaan.

“She (PGMA) is evil” – sabi raw ni Neri, sabi ni Lozada

“She (PGMA) may be a bitch, but she’s the luckiest bitch around” – Gov. Salceda

“Son of a bitch” – sabi ni Sarah nung makita si Mikey Arroyo sa TV (following Salceda’s statement)

“Kapag nagbato siya ng alahas, pupulutin ko!” – awayang Anabelle Rama at Lolit Solis

“Detoxify daily” – sabi ni Lucy Torres


Aw! kapag nakaka-appreciate ng magandang bagay, tao, gawi, o musika, literatura at art na rin. Parang, “grabe pa-re, astig!” Magandang malandi. Parang “ma-ri-mar, aw!” Dahil maganda ang mundo (sa lahat ng kamunduhan nito), masarap mabuhay. Dahil baliw ako. Dahil "tao" ako. I'm human, men! Nakakaramdam ng bawat dampi, nakakarinig ng musika o berso, nasisilayan ang marikit. Nakakaunawa ng bawat kuwit, tuldok, at mga pariralang nagpapanggap na pangungusap.

Aw! kapag natataranta. Rakenrol! Kapag madaming naiisip at hindi kasimbilis ng mga daliri ang utak ko. Kapag nagkatambak-tambak ang mga gagawin. Kapag kailangan kong gawin ‘to, pero gustong-gusto kong gawin ‘yun. Kapag hinihila ang oras para umabot. Para hindi malagutan ng hininga. Aw! rin sa kabaliktaran nito, kapag satisfied, kapag nakatapos ng mga dapat gawin. Basta aw! pag extremes, para maging karaniwan.

Aw! dahil "i feel so damn good, i don't know how to express it." Dahil meron akong natural high. Ang sarap langhapin ng malakas na hangin bago ito dumampi sa balat ko at bago nito paliparin ang buhok ko. Aw! dahil malaya na ako, malaya sa lahat ng sagabal at hadlang. Ito ang pinakamagandang regalong natanggap ko (so far). Aw! dahil kasalukuyan na akong naglalakad sa kalsadang puno ng
alpombra ng mga tuyong pulang dahon. Hihintayin kita sa dulo, sa dating tagpuan.


Aw! Dahil nahanap ko na ang pagbabago sa sarili ko at nahanap ko 'to dahil lamang sa sarili ko (hindi "dahil sa kanya," hindi "dahil siya lang ang nakapagparamdam sa akin ng ganito"). Napagsasabihan, naaapektuhan, nayayanig, nanginginig, pero hindi natatangay ng agos. Aw! dahil wala na akong galit, poot, at pagkamuhi. Dahil tapos na ang panahon ng pagluluksa, dahil patay na 'yun, dahil hindi na magbabalik. Dahil marunong na akong ngumiti kahit may takot at pangamba.


Aw! dahil yapos-yapos ko ang nag-uumapaw na pag-ibig. Parang ‘yung kantang “i love you more today than yesterday” ng goldfinger. “Every day's a new day in love with you. With each day comes a new way of loving you,” sinisipol ko sa sarili ko. “I’m like a big balloon filled with hot air, ready to explode” sabi ng orange and lemons sa “a beginning of something wonderful.” Parang gusto kong umindak sa ilalim ng nagbabagsakang dahon ng taglagas. Life is beautiful at nangangarap pa rin ng... world peace.


"We're restless hearted, not the chained and bound... We're too young to reason, too grown up to dream," sabi ni Elan Atias.


Bukas, may transport strike ulit...


Aw!

No comments: