May Dispersal na sa Ayala
(A prose I’ve written during the proclamation of PP1017 in February 2006.)
Nahulog ng mama ang fishbol na kakatuhog lamang niya nang mabangga ko siya sa pagmamadaling makasakay ng dyip. Pagkalulan, lumingon ako upang sana’y humingi ng pasensya. Nagmumura na ang mama dahil wala nang mahugot na barya mula sa kanyang bulsa.
Naalala ko ang dispersal sa Ayala nitong huli lamang. Marami ang napamura sa walang habas na pagtutulak ng mga pulis kahit naiipit na ang mga kabataan sa mga nakaharang na sasakyan. Bawal na magrally sa Ayala. Uso na ang water cannon sa EDSA. Nakabarikada na rin ang Mendiola.
Inabot ko ang eksaktong pamasahe sabay sabing “estudyante lang po” para maiwasan ang aberya. Lagi kasing nakasimangot ang mga drayber pag kulang sa regular ang inabot na pasahe lalo na nang magtaas ang langis. Napatitig ako sa dyaryo ng katapat kong mama.
May ni-raid na dyaryo. Bantay-sarado ang mga militar at pulisya. May pinag-huhuli nang mga kongresista. Bawal magsalita ang mga gabinete na walang permiso ng pangulo. May nag-aaklas na militar. Kinakasuhan ang dyaryong tumutuligsa sa gobyerno. Aakusuhan ng sedisyon, rebelyon, komunismo.
Pagkababa ko ng dyip, lumapit ang batang nakaabot ang palad “Konting tulong lang po. Maawa na kayo.”
May water cannon na sa EDSA. Nakabarikada na ang Mendiola. May dispersal na rin sa Ayala.
No comments:
Post a Comment